MANILA, Philippines - Naniniwala si Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na nagkataon lamang kung kayat binansagang central capital ng krimen ang lungsod, gaya ng napaulat sa ilang pahayagan.
Sa isang press conference, sinabi ni Belmonte na sa katunayan anya, sa tinanggap nilang report buhat kay QCPD director George Regis sa ginawa nilang pulong kahapon na bumaba pa nga ang insidente ng krimen sa lungsod kung ikukumpara sa nagdaang taon.
Sobrang laki anya ng Quezon City na kapag may nangyaring krimen dito ay mistulang pinagpipiyestahan ng media dahil sa ang mga nasasangkot ay malalaking isda o kilalang tao.
“Siguro dahil mga high profile ang nasasangkot sa ilang krimeng nangyayari sa lungsod kaya ganun, pero sa katunayan ay mas may mataas pa ang nagaganap na krimen na naiuulat sa ibang lugar sa Metro Manila kaysa sa QC”, pahayag ni Belmonte.
Binigyang diin din ni Belmonte na plano na ng city government na lagyan ng CCTV ang lahat ng mga matataong establisimento, gayundin ang mga critical areas sa lungsod bilang bahagi ng kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa krimen.
Mayroon din anyang patuloy na komunikasyon ang mga barangay officials, QC police at mga elemento ng QC hall para pangalagaan ang kapakanan ng mga taga-lungsod.