MANILA, Philippines - Tuloy pa rin ang bentahan ng mga “endangered at exotic animals” sa Cartimar, Pasay City makaraang sari-saring hayop na nanganganib nang mawala ang nasamsam sa pagsalakay na isinagawa ng Pasay City Veterinary Office kamakalawa.
Pinangunahan ni City Veterinary Office chief, Dr. Ronaldo Vernasor ang pagsalakay katulong ang Pasay City Police sa Stall No. 2 sa Cartimar Pet Shop.
Nakumpiska dito ang iba’t -ibang endangered species kabilang ang dalawang tarantula spider, 18 Tawi-Tawi brown dove, tatlong Chinese soft shell torquise, dalawang garter snake, 2 ring neck parrot at mga bleeding heart doves.
Walang dokumentong maipakita ang may-ari ng naturang pet shop sa pagbebenta ng naturang mga hayop.
Ayon kay Dr. Vernasor, tinatayang mahigit sa isang daang libong pisong halaga ng kanilang mga nakumpiskang mga exotic at endangeres species na kanila namang dadalhin sa pangangalaga ng Parks and Wild Life ng Dept of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City.