Pulis dinedo sa photo shop
MANILA, Philippines - Isang pulis ang kumpirmadong nasawi matapos pagbabarilin ng dalawang di-kilalang lalaki sa loob ng photo shop sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang napatay na si SP01 Ernie Escalaw, 45, may asawa, ng #74-A Gregorio Street, Barangay Hulong Duhat, nakatalaga ito sa District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD).
Ayon kina P03 Albert Juanillo at P02 Alejandro Billedo, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Yes Photo Shop sa Langaray Street, Dagat-Dagatan, Caloocan City.
Nabatid, na nagpapagawa ng litrato si SPO1 Escalaw nang pumasok ang mga armadong kalalakihan.
Sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw kung saan duguang bumulagta ang biktima habang tumakas naman ang gunmen sakay sa motorsiklo.
- Latest
- Trending