MANILA, Philippines - Masusing iniimbestigahan ng Manila Police District ang isang 19-anyos na babae sa pagkamatay ng kambal na nasa kanyang sinapupunan makaraang isugod ito sa ospital dahil sa matinding pagdurugo kung saan nabuking na may dalawang tableta ng cytotec sa maselang bahagi nito sa Sampaloc, Maynila.
Kasalukuyang inoobserbahan sa Ospital ng Sampaloc ang dalagita na itinago sa pangalang Christina, kumukuha ng kursong Hotel and Restaurant Management (HRM) sa Far Eastern University (FEU), ng Craig St., Sampaloc.
Sa ulat ni Det. Gerardo Rivera ng MPD-Homicide Section, dakong alas-11 ng tanghali nang isugod sa ospital si Christina kung saan nadiskubre na may dalawang piraso ng Cytotec sa ari nito.
Patuloy umanong dinudugo si Christina at ilang minuto lamang ay biglang lumabas sa ari nito ang halos durog durog na kambal na fetus na tinatayang nasa lima hanggang anim na buwan.
Ayon naman sa syota ni Christina na itinago sa pangalang Rico, 20, estudyante ng UST sa kursong Tourism, may isang taon at tatlong buwan na umano silang magkasintahan ng dalagita kung saan ay nito lamang Martes nang malaman nitong buntis na ang huli.