MANILA, Philippines - Inumpisahan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkukumpuni ng underpass sa interseksyon ng Quezon at Araneta Avenue sa Quezon City kahapon.
Target ng DPWH na matapos ang proyekto ng hindi lalagpas sa 15-buwan at may nakalaang pondo na P430 milyon.
Pinayuhan naman ng MMDA ang mga motorista sa inaasahang pagsisikip ng trapiko na iwasan na munang dumaan sa naturang mga kalsada lalo na kung aabot sa kasagsagan ng konstruksyon at gamitin na lamang ang mga inihandang alternatibong ruta.
Ang mga motoristang mula sa EDSA patungong Quiapo ay maaaring kumanan sa West Avenue, kaliwa sa San Francisco del Monte Avenue, kakaliwa sa A. Bonifacio Avenue, kakanan patungo ng Blumentritt at Dimasalang Street hanggang makarating ng Quiapo.
Sa mga magmumula naman ng Maynila tungo ng Quezon Avenue, maaaring kumanan sa E. Rodriguez Sr. Avenue diretso ng EDSA-Cubao at sa EDSA.
Mula sa Sta. Mesa at Aurora Boulevard na dadaan ng C-3 Road at Araneta Avenue, maaaring dumaan ng A. Bonifacio Ave., kakaliwa sa Bayani o E. Rodriguez Avenue, kumanan sa Banawe Street, kanan uli sa Amoranto Street, at kumaliwa sa Araneta Avenue.
Tiniyak naman ng MMDA na naglatag na sila ng sapat na mga signages at nagdagdag ng mga traffic enforcers para hindi malito ang mga motorist. NI Danilo Garcia