MANILA, Philippines - Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang tangkang pagpuslit sa pamamagitan ng southern backdoor ang may 15 undocumented overseas Filipino workers (OFWs) patungong Malaysia.
Sa ulat ni Immigration Regulation Division chief Alberto Braganza na isinumite kay BID Commissioner Ricardo David Jr., aabot sa 12-babae at 3 lalaki na sinasabing lulan ng M/V Danica Joy ang nasabat noong Hunyo 7, 2011.
Lumilitaw na nagtago sa silid ng barko ang 15 Pinoy nang madiskubre ng mga awtoridad na tangkang pupuslit patungong Sandakan, Malaysia.
Nabatid sa ulat na walang kaukulang mga pasaporte o travel documents ang mga nasabing Pinoy na pawang ni-recruit mula Zamboanga, Quezon, Tarlac at Bulacan.
Pansamantalang hindi muna ibinunyag ang pagkakakilanlan ng 15 Pinoy na nasa pangangalaga ng Visayan Forum, isang volunteer group na tumutulong sa human trafficking victims.