Simbahan nilooban

MANILA, Philippines - Hindi na pinatawad ng mga masasamang loob, ang simbahan sa Quezon City matapos pasukin at limasin ang mga gamit at pera ng pari, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ni PO3 Harry Budomo ng Police Station 3 ng QCPD, nakilala ang biktimang pari na si Fr. William Ong y Chiu, 46, ng Saint Joseph Chapel sa Loboc St., Napocor Village, Brgy. Pasong Tamo.

Ayon kay Budomo, natangay sa pari ang P15,000 cash, cell phone at P300 coins.

Lumilitaw sa imbestigasyon na naganap ang insidente sa pagitan ng alas-8:30 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga matapos na iwan ng pari ang naturang chapel.

Sinasabing naisara naman ng maayos ng pari ang lock ng pintuan ng simbahan, subalit iniwan namang walang nagbabantay.

May teorya ang pulisya na inabangang umalis ang pari saka pinasok ang simbahan. Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.   

Show comments