MANILA, Philippines - Mahigit sa 500 sundalo ang idedeploy ngayong araw upang magbigay seguridad sa ika-150 taong kaarawan ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal partikular na sa Rizal Monument sa Rizal Park sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay AFP-Public Affairs Office (AFP-PAO) Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., ang iba pang mga sundalo ay ipakakalat rin ng AFP sa Rizal Monument sa Calamba, Laguna.
Inihayag ni Burgos na sa Luneta Park ay apat na marching bands para sa musical accompaniment af firing ang ipagkakaloob ng AFP maliban pa sa mga tututok na security teams ng AFP-National Capital Region Command (AFP-NCRCOM) katuwang ng PNP personnel upang tiyakin ang peace and order sa okasyon.
Bukod dito ay limang medical teams rin ng AFP ang ipakakalat para sumaklolo sa mga emergency sa mga dadalo sa pagdiriwang ng dakilang bayaning si Rizal.
Ang paggunita sa kaarawan ng pambansang bayani ay pinangungunahan ng The National Parks Development Committee (NPDC) kung saan nasa 150,000 estudyante, out-of-school youth at mga kinatawan ng mga lungsod sa Metro Manila ang mag-aalay ng bulaklak sa monumento nito.
Samantalang sa Rizal Shrine sa lupang tinubuan ni Rizal sa Calamba, Laguna ay magpapartisipa rin sa parade at ceremonial event gayundin ang mga marching band at security forces ng AFP mula sa tropa ng Army’s 2nd Infantry Division na naatasang mangalaga sa seguridad saka lumahok sa pagdiriwang.
Kasabay nito, tiniyak naman ng pamahalaang lungsod ng Maynila na sapat ang kanilang ipakakalat na pulis gayundin ang mga traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau na pinamumunuan ni Nancy Villanueva.