1-anyos todas sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Patay ang isang-taong gulang na batang lalaki nang tamaan ito ng ligaw na bala sa ulo habang natutulog kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Justin Rain Capili, ng Roldan St., Barangay Tangos ng nabanggit na  lungsod.

Sa pahayag ni Marissa, ina ng biktima, na alas-11 ng gabi, natutulog sila ng kanyang anak nang makarinig ng putok mula sa kanilang bubong.

Laking gulat na lamang niya nang makita ng dumudugo ang ulo ng anak, dahilan upang mabilis itong dalhin sa nabanggit na pagamutan. Ngunit habang nilalapatan ng lunas ang batang biktima ay binawian ito ng buhay.

Napag-alaman na tinamaan ng ligaw na bala ang biktima at inaalam na ng mga pulis kung kanino galing ang bala na pumatay sa bata.

Show comments