MANILA, Philippines - Itinaas na ng pamilya ng pinaslang na Italian national na manager sa isang malaking hotel sa Makati City ang reward money sa P2 milyon para sa anumang impormasyon na magbibigay daan sa pagkakadakip ng mga salarin sa krimen.
Sinabi ni Makati City Police chief, Sr. Supt. Froilan Bonifacio na dinagdagan ni Sandro Mazza ang dating inilabas na P300,000 pabuya sa P2 milyon sa pag-asang makakatulong ito sa pagresolba sa kaso ng pagpatay sa kakambal niyang si Sergio Mazza, dating manager ng food and beverage section ng Shangri-La Hotel.
Matatandaan na pinaslang si Sergio ng mga hindi nakilalang hitman noong Hunyo 17, 2010 nang pagbabarilin ito ng hindi nakilalang salarin sa may Dela Costa St., Brgy. San Lorenzo. Patungo na sa naturang hotel ang biktima nang tambangan ng mga salarin dakong alas-7 ng umaga.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon na sangkot umano ang biktima sa maraming relasyon sa iba’t ibang babae na aabot sa walo. Ito ang tinututukan ng pulisya na maaaring motibo sa krimen.
Ngunit sa kabila ng pagpapalabas ng P300,000 pabuya, naging malamya pa rin ang mga miyembro ng Makati police sa kanilang imbestigasyon sanhi upang makasama ang kaso ni Sergio Mazza sa tambak ng mga hindi nareresolbang krimen.