Habambuhay sa 7 Intsik na kidnaper
MANILA, Philippines - Habambuhay na pagkabilanggo ang ibinabang hatol ng Manila Regional Trial Court laban sa pitong Chinese na dumukot sa misis ni dating Philippine National Police chief Director General Arturo Lomibao noong Setyembre 2001.
Sa desiyon na ibinaba ni Manila RTC Judge Antonio Rosales ng Branch 52, reclusion perpetua ang iginawad kina Shia Jian Hui alyas Jacky Sy King; Liam Jian Feng, alyas Jason Lim Pineda; Xu You Kwang, alyas Tony Co; Wu Chang at Shi Chun Qi alyas Jacky Sy Ocampo matapos na mapatunayang responsable sa pagdukot kay Jacky Rowena Tiu Lomibao, na noo’y 29 gulang pa lamang, ilang metro ang layo sa kanilang bahay sa San Fernando, La Union noong Setyembre 27, 2001.
Naaresto ang lima ilang oras sa aktong pinagpapartihan ang P10 milyon ransom money sa isang hotel.
Samantalang sina Zhang Du alyas Wilson at Zhang Xi Wang alyas Michael Zhang ay naaresto sa mismong hide out na pinagdalhan nila sa biktima sa Bacoor, Cavite ilang oras matapos ang pagkidnap.
Sa testimonya ni Lomibao, nagulat na lamang siya nang harangin ng mga suspect na armado ng matataas na kalibre ng baril ang kanilang sasakyan kasama ang kanyang ina. Agad niyang pinatakbo ang kanyang ina kung kaya’t hindi na ito naisama pa ng mga suspect.
Idinagdag pa nito na mas pinili niyang lumaban at huwag magtago matapos na magbayad ang kanyang pamilya ng P10 milyon upang maparusahan ang kanyang mga abductors na nagbigay sa kanya ng matinding takot sa loob ng walong araw na pagkakabihag.
Ilang oras lamang matapos na magkabayaran ay nadakip ang pito ng mga tauhan ng Police anti Crime Emergency Response (PACER) na pinamumunuan ng noo’y PNP Deputy Director General Hermogenes Ebdane at PNP Region 1 Director Arturo Lomibao.
- Latest
- Trending