MANILA, Philippines - Isang Chinese trader ang nasawi nang pagtulungan itong hatawin ng martilyo sa ulo ng siyam nitong trabahador bago ito pinagnakawan kamakalawa sa Valenzuela City.
Basag ang bungo na naging dahilan ng agad na kamatayan ng biktimang si Wang Weh Xing “alyas Jeffly Ong”, 31, binata, may-ari ng Cosang Plastic Manufacturing, na matatagpuan sa #9 Sigma St., Don Pablo Subdivision, ng nasabing lungsod.
Nadakip naman si Isagani Ibis , 20, binata tubong Sogod Southern Leyte, factory worker at residente ng #287 Stotccuburry St., 10th Avenue habang pinaghahanap pa ang ibang suspect na sina Ryan Fernandez, tubong Zamboanga del Norte; Edgardo Sabandal Jr., ng Abuyog, Leyte; Wilson Pandita, Valencia Bukidnon; Joel Epis, ng Sagad, Leyte; Jerry Sabandal Jr., Sagad Leyte; Michael Pedad, Davao City, at Reagan Arboneda, pawang mga stay-in factory worker ng nabanggit na pabrika.
Sa inisyal na report ng Valenzuela City Police, dakong alas-5:00 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima ng ilang trabahador nito, kung saan duguan ito at nasa tabi ang isang martilyo, na hinihinalang ginamit sa pagpatay.
Agad na ipinagbigay-alam sa mga pulis ang insidente at nalaman na nawawala ang suspect matapos isagawa ang krimen.
Sa follow-up operation ng mga pulis ay nadakip si Ibis at sa interogasyong isinagawa, plano na palang pagnakawan ang biktima, kung kaya’t pinatay muna ito sa pamamagitan ng paghataw ng martilyo sa ulo bago pinagnakawan.
Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng manhunt operation ang mga pulis laban sa walo pang suspect.