MANILA, Philippines - Muling binuhay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang plano nito na magtayo ng “centralized bus terminals” na gagamitin ng mga provincial at city buses upang makatulong sa pagpapaluwag sa daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Matatandaan na dati na ring ipinanukala at itinatag ng MMDA noong nasa ilalim pa ni Bayani Fernando ang “Central Terminal” na nasa EDSA-Quezon City ngunit napabayaan din ng pamahalaan.
Sinabi ng bagong Chairman Francis Tolentino na nasa proseso na ng pagplantsa sa mga plano para sa dalawang central terminal, isa sa norte at isa sa timog ng Metro Manila. Nakikipag-ugnayan umano sila ngayon sa Department of Public Works and Highways, Department of Transportation and Communications, at mga provincial at city bus operators.
Sa inisyal na plano, maaaring maitayo ang north central terminal sa bisinidad ng Balintawak, Quezon City na siyang magiging “gateway” sa mga lalawigan sa Norte at ang south central terminal ay maaaring malapit sa Mall of Asia sa Pasay City o sa lugar ng Baclaran sa Parañaque City na “gateway” naman sa mga lalawigan sa Timog Katagalugan.
Base sa plano, isusunod ang plano ng mga terminal sa airport terminals na may tamang iskedyul ng oras ng dating at alis ng mga pampasaherong bus.