MANILA, Philippines - Bunga na rin ng matataas na presyo ng bilihin, hinikayat ni Manila 4th District Councilor DJ Bagatsing ang Manila City Health Office na pa-igtingin ang kanilang monitoring sa mga pamilihan na binabagsakan ng mga isda sa lungsod upang masiguro na walang naibebentang ‘double dead’ na isda.
Sa kanyang inihaing resolusyon, sinabi ni Bagatsing na maraming pamilya ang nagtitipid at naghahanap ng murang bilihin upang may pantawid-gutom.
Ayon kay Bagatsing, marami ding mga negosyante ang nananamantala ng sitwasyon kung saan ibinebenta ang mga ‘double dead’ na isda at hindi iniisip ang kalusugan ng mga consumers.
Kabilang sa sistema ng pananamantala ay ang paggawa ng mga fish balls at strips nuggets mula sa mga ‘double dead’ na isda.
Hindi maikakaila na umabot sa 752 metric tons ng bangus at tilapia ang nasira at nagkakahalaga ng P57,000,000.
Aniya, hindi umano imposible na bawiin sa ibang paraan ng ilang mga negosyante ang kanilang pagkalugi habang naaapektuhan na man ang kalusugan ng maliliit na mamamayan.
Giit pa ni Bagatsing na marami ang nagkakasakit kung makakakain ng mga bulok na pagkain na posibleng humantong sa kamatayan.
Dahil dito, idinagdag pa ni Bagatsing, sa ilalim ng Ordinance 8183, ikukulong ng isang taon at pagbabayarin ng P5,000 ang sinumang mahuhuling nagbebenta ng ‘double dead’ na isda sa palengke.