MANILA, Philippines - Naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District-Anti Carnapping Unit ang apat na carjacker na magkasunod na nang-agaw ng mamahaling sasakyan sa lungsod matapos ang ginawang pagsalakay sa kanilang mga hideout sa nabanggit na lungsod at sa Parañaque City.
Kinilala ni QCPD director, Chief Supt. George Regis, ang mga suspect na sina Joey Villanueva, Jonathan Rodrigo, Alexander Aquino at Rommel Flores na sinasabing miyembro ng isang notorious na carnapping syndicate na nag-operate kamakailan sa lungsod Quezon.
Ayon kay Regis, ang mga suspect ay naaresto sa walang humpay na follow-up operation ng tropa ng DACU sa pamumuno ng hepe nitong si P/Supt. Ferdinand Villanueva, bunga ng ulat na pag-carjack sa apat na mamahaling sasakyan sa lungsod.
Narekober ng DACU sa mga suspect ang isang kulay asul na Montero na may conduction sticker (TP-0747) at kulay pulang Montero (NCQ-305) na kanilang tinangay sa lungsod kamakailan.
Base sa pagsisiyasat ni SPO2 Pio Torrecampo ng DACU, unang naaresto ng kanilang tropa sina Villanueva at Rodrigo sa may Brgy. Apolonio Samson ganap na alas-5:15 ng hapon.
Ito ay matapos na makatanggap sila ng impormasyon na dito itinago ang kulay asul na Montero na kinardyak sa Lagro Subdivision, Novaliches.
Nang maaresto ang da lawa ay muling nagsagawa ng follow-up operation ang DACU sa may Sucat Parañaque City kung saan naaresto naman sina Aquino at Flores.
Dito rin nabawi ang kulay pulang Montero sport na tinangay sa may no. 203-A Apo St., La Mesa Heights, Brgy. Maharlika noong Biyernes ng alas-10 ng gabi.
Ayon kay Torrecampo, patuloy pa ang follow-up operation ng kanilang tropa upang mabawi ang nawawala pang Innova at Fortuner na halos magkasabay ding tinangay sa lungsod.
Simula ng umupo si Regis, sunod-sunod ang pagrekober sa mga kinarnap na sasakyan sa lungsod na kinabibilangan ng Toyota Lite Ace, (PSN-803), Toyota Hi-Ace (PWI-532), Nissan Urvan (walang plaka), at Corolla taxi (TWW 359).
Sinasabing ang mga suspect ay natukoy sa pamamagitan ng rogue gallery ng DACU.