MANILA, Philippines - Upang makaiwas sa mga nakaraang trahedya sa pagbaha, maagang kumilos ang mga “disaster response teams” ng ilang lungsod sa Southern Metro Manila na palagiang binabaha dulot ng walang humpay na pag-ulan.
Sinabi ni Lito Laparan, hepe ng Public Information Office ng Taguig City, 24-oras na nakaalerto ang kanilang Rescue Team at mga tauhan ng Department of Social Welfare kung saan nailigtas ang may 32 pamilya sa matinding pagbaha sa Laura Drive sa Brgy. Bagong Bayan kamakalawa ng gabi at 2 pang pamilya nang umapaw ang tubig-sapa sa may Mindanao Avenue sa Brgy. Lower Bicutan. Inilaan bilang pansamantalang evacuation center ang Gawad Kalinga Building upang doon muna magpalipas ng magdamag ang mga inilikas na pamilya na naapektuhan ng pagtaas ng tubig-baha.
Samantala, sa Muntinlupa, sinabi ni Omar Acosta ng PIO sa lungsod na pinakilos na rin ang kanilang Disaster Coordinating Council upang bantayan ang mga barangay sa Tunasan, Poblacion, Putatan, Buli, Bayanan, Sucat at Alabang na kabilang sa mga binabahang lugar. Bagama’t maayos na aniya ang sistema ng kanilang drainage dahil sa puspusang paglilinis sa panahon ng tag-iinit, lubhang mababa aniya ang kanilang lungsod kaya’t nagkakaroon pa rin ng pag-apaw ng tubig-baha kapag sobrang lakas ng buhos ng ulan.