MANILA, Philippines - Inaresto ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-Women and Children’s Protection Division (PNP-CIDG-WCPD) sa operasyon sa Sta. Mesa, Manila ang isang Japanese national na bumiktima ng 50 kababaihan na inalok nito ng trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng facebook .
Sinabi ni PNP-CIDG-WCPD Chief P/ Supt. Emma Libunao, alas-6 ng gabi nang dakpin si Takahiro Yamashita, 41, ng 2016 Eagemachi Yatshuhiro, Komamoto, Japan sa isang restaurant sa loob ng isang mall sa Sta. Mesa, Manila.
Ayon kay Libunao, si Yamashita ay inaresto makaraan itong ireklamo ng dalawang babae nitong biktima na umano’y niligawan ng suspect sa facebook para may matirhan at mahingan ng pera. Modus operandi ng Hapones ang makipag-kaibigan sa pamamagitan ng Facebook hanggang aalukin ito ng kasal at trabaho.
Makaraan nito ay hihingan ni Yamashita ng pera ang mga babaeng nais magtungo sa Japan subali’t wala pa siyang napapapunta sa nasabing bansa para magtrabaho.
Sa pagdakip sa Hapones, nakuha sa kanyang pag-iingat ang ilang dokumento ng kanyang mga nabiktima gaya ng passport, birth certificate.
Sa imbestigasyon, may 48 pang kababaihang biktima si Yamashita sa Davao City at hinihinalang marami pa itong naloko sa Visayas Region dahil bukod sa mahusay mag-Tagalog, marunong din itong mag-Bisaya.
Base sa rekord, unang pumasok sa bansa si Yamashita noong Hunyo 1998 at huling entry nito ay Hunyo 2002 na nangangahulugan na 9 taon na itong overstaying sa bansa.
Nahaharap ngayon sa kasong large scale estafa ang nasabing Hapones.