Drug den raid: 2 pulis sugatan, 7 tiklo

MANILA, Philippines - Dalawang kagawad ng Quezon City Police ang malubhang nasugatan, nang paputukan ang mga ito ng grupo ng mga umano’y drug pushers habang nagsasagawa ng anti-illegal drug operation sa isang drug den sa liblib na lugar dito kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga sugatang pulis na sina SPO2 Gilbert Forlucas at PO1 Teodorico Casison, kapwa miyembro ng Police Station 10.

Si Forlucas ay nagtamo ng tama ng bala sa tiyan habang si Casison ay tama naman ng bala sa hita at ngayon ay kapwa ginagamot sa Chinese General Hospital

Samantala, sa operasyon ng pulisya, nadakip ang mga suspect na sina Mario Guaballa, 59; at George Pagua, 46; Honey boy Alejandro, 29; Eddie Santos, 29; Esmael Maulana, 43; Jamal Abdul Lumabas, 32; at Christian Paul Desuyo, 18.

Nakatakas naman ang da­lawa pa sa mga suspect na nakilala sa mga alyas na Lito at Udstadz na parehong armado ng baril at hinihinalang siyang nakipag-palitan ng putok sa mga awtoridad.

Nag-ugat ang insidente makaraang makatanggap ng impormasyon ang naturang tanggapan kaugnay sa nagaganap na pot session sa may Cadena de Amor Napocor, Brgy. Central pasado alas-12 ng madaling-araw.

Agad na umaksyon ang awtoridad sa lugar kung saan unang nadakip habang nagsasagawa ng pot-session sina Guaballo at Pagua.

Sa ginawang interogasyon sa dalawa ay ikinanta ng mga ito ang mga suspect na pinanggagalingan ng droga, dahilan para muling magsagawa ng follow-up operation ang mga DAID sa lugar.

Subalit, habang papasok sa liblib na lugar ay biglang pinaputukan ang mga operatiba sanhi para tamaan ng bala sina Forlucas at Casison.

Sa paghahalungkat ng mga operatiba sa loob ng mosque ay natuklasan ang samo’t-saring mga drug paraphernalias at pitong plastic sachet ng shabu na nakatago sa ilalim ng sahig. 

Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa mga nakatakas na mga suspect habang inihahanda na ang kasong isa­sampa laban sa mga naares­tong suspect. (Ricky T. Tulipat)

Show comments