500 'condemned school building', ginagamit pa rin
MANILA, Philippines - May kabuuang 500 ‘condemned school building’ sa bansa na maaaring gumuho anumang oras ang nasiyasat ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) at inirekomendang huwag nang gamitin dahil na rin sa panganib sa buhay ng libu-libong mag-aaral at mismong mga guro.
Pero may ilan pa umano sa mga ito ay ginagamit pa, kabilang na ang Tangos Elementary School sa Navotas na naitayo noon pang 1967.
Ang Tangos Elem. School ay kinakitaan ng maraming bitak na puwedeng ipasok ang isang ruler malapit sa pundasyon at pader nito at unti-unti na rin bumabagsak ang kisame ng nabanggit na paaralan.
Ayon kay Engr. Oliver Hernandez, Director ng Administrative Service ng DepEd, sinasabing karamihan sa 500 condemned na school building ay nasa Metro Manila.
Sinabi ni Hernandez, natuklasan nila ang mga nanganganib na paaralan na gumuho sa isinagawang Assessment of School Building Structure noong nakalipas na bakasyon.
Umaapila si Engr. Hernandez sa mga school official sa bansa na ireport sa kanila ang mga paaralan na may mga bitak na, litaw ang mga bakal o kaya’y bumabagsak na debris para agad na masiyasat.
- Latest
- Trending