MANILA, Philippines - Apat na karnap na sasakyan ang narekober ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) sa loob lamang ng limang araw na follow-up operation sa lungsod, ayon sa pulisya kahapon.
Ang mga narekober na sasakyan ay pawang mga napa-ulat na tinangay sa iba’t-ibang lugar sa lungsod. Nitong Mayo ng taon, labing-isa sa 19 na sasakyan na iniulat na tinangay ang narekober ng District Anti-Carnapping Unit (DACU), kung saan apat katao ang naaresto. Labing anim na sasakyan pa ang ini-impound dahil sa patung- patong na paglabag sa Land Transportation Code at iba pang batas.
Isa sa mga narekober na sasakyan ay ginamit ng mga suspect sa krimen sanhi ng nakuhang baril sa loob nito, gayundin ang bakas ng dugo sa passenger seats.
Ang apat na sasakyan ay kinabibilangan ng Toyote Lite Ace, (PSN-803); Toyota Hi-Ace (PWI-532); pulang Nissan Urvan (no plates); at Corolla taxi (TWW 359).
Ang Lite ace ay naispatan sa kahabaan ng Kamuning Street sa Quezon City matapos makita ang pekeng plaka at napatunayang kuwestiyunable ang chasis numbers at dokumento. Habang ang Nissan Urvan ay natukoy naman ng DACU sa Camarilla, Cubao, kung saan nakita ang basyo ng bala sa loob at may mga bakas ng dugo.