NCRPO umalerto vs holdaper, rapist ng mga dentist

MANILA, Philippines - Nakatutok na ngayon ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa pagresolba sa kaso ng isang hinihinalang “sex maniac” na bumibiktima sa mga babaeng dentista sa Metro Manila at ilang kanugnog na lalawigan.

Sinabi ni NCRPO director, Chief Supt. Allan Purisima na may magandang “lead” na umano sila sa naturang kaso upang tuluyang masakote ang salarin ngunit nag-iingat sila sa kanilang hakbang upang maging matagumpay.

Matatandaan na lumabas sa telebisyon si Philippine Dental Association president Dr. Roberto Tajonera at nagbigay babala sa kanilang mga miyembro lalo na sa mga babaeng dentist laban sa gumagalang salarin. Modus-operandi ng salarin ang magpanggap na pasyente at saka hoholdapin, tatalian at momolestiyahin ang biktimang dentista.

Hinikayat ni Tajonera ang kanilang mga miyembro na magkabit ng CCTV camera (closed circuit television camera) sa kanilang mga klinika upang makilala ang lahat ng pumapasok o umarkila ng security guards.

Pinakahuling sumalakay ang salarin sa isang klinika sa Maynila ngunit namonitor na nakapambiktima na rin umano sa Marikina City, lalawigan ng Bulacan at Antipolo City sa lalawigan ng Rizal.

Maaari umano na iisang tao lamang ang sumalakay sa mga dentist sa naturang mga lugar at malaki rin ang hinala nila na isang “sex maniac” ang salarin at pangalawa lamang ang pang­hoholdap.

Show comments