MANILA, Philippines - Nagbabala ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) sa publiko partikular na sa mga bading laban sa mga lalakeng nagpapanggap na miyembro ng pulisya na ang pakay ay holdapin sila at nakawin ang kanilang mga gamit.
Aksyon ito ni Chief Supt. George T. Regis, director ng (QCPD), matapos na maaresto ang isang Ryan Torres, 25, ng Marulas St., Brgy. 140, Caloocan City, bunga ng reklamo ng isang Jenmar Tunga, 19, ng Gen. Santos City.
Sa pagsisiyasat ng Cubao Police Station 7, nangyari ang pag-aresto sa suspect sa loob ng isang hotel sa EDSA malapit sa Aurora Blvd., ganap na alas-7 ng gabi.
Bago ito, naglalakad ang biktima nang lapitan ng suspect at nagpakilalang pulis na nakasuot ng pang-itaas na uniporme ng pulis at inaaresto ang una dahil sa kaso ng prostitusyon.
Dito ay tinakot ng suspect ang biktima na ikukulong sa sandaling hindi ito pumayag na mag-check-in sila sa hotel para doon pag-usapan ang kanyang problema.
Dala ng takot, napapayag naman ang biktima at nag-check in sa hotel room 407 kung saan sinimulan ng suspect ang paglimas sa gamit ng una tulad ng Blackberry phone (P15,000) at cash na P1,740. Nang makuha ang pakay ay saka pinalabas na ng suspect ang biktima sa naturang kuwarto.
Sa puntong ito, nagpasya ang biktima na dumulog sa pulisya at agad na rumesponde sa lugar at nadakip ang suspect.
Narekober mula sa suspect ang pera at gamit ng biktima, saka pang-taas na uniporme ng pulis na ginagamit nito sa panloloko.
Pinayuhan din ni Regis ang publiko na sinumang tao na lalapit sa kanila at nagpapakilalang pulis ay hingan umano nila ng PNP ID o dili kaya ay badge number. Kung hindi naman ay huwag basta-bastang sasama dito kapag inaya sa isang lugar maliban sa himpilan ng pulisya.