Presyo ng petrolyo muling tumaas
MANILA, Philippines - Tinotoo ng mga kompanya ng langis ang “forecast” ng Department of Energy noong nakaraang linggo ng panibagong pagtataas sa presyo ng petrolyo makaraang iakyat kahapon ng umaga ang presyo ng kanilang mga produkto.
Pinangunahan ng Pilipinas Shell Corp. ang oil price hike dakong alas-12:01 ng hatinggabi kung saan itinaas ng P.90 sentimos ang kada litro ng diesel at kerosene at P.30 sentimos kada litro naman ng premium, unleaded at regular na gasolina.
Nagsunuran naman dakong alas-6 ng umaga ang Petron Corporation, Chevron Philippines, at Phoenix Petroleum. Nasa P.85 sentimos naman kada litro ng diesel at kerosene ang ibinaba ng Eastern Petroleum, at mas mataas na P.45 sentimos sa mga produktong gasolina.
Patuloy na ikinakatwiran ng mga kompanya ng langis ang pagtataas umano sa presyo ng inaangkat nilang petrolyo sa internasyunal na merkado.
Magandang balita naman ang hatid ng Liquefied Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA) makaraang ihayag ang pagbaba sa P.50 kada kilo ng LPG o P5.50 kada 11-kilong tangke sa darating na Huwebes.
- Latest
- Trending