Nahuling Sayyaf bomber, bubusisiin sa Makati City bus bombing

MANILA, Philippines - Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kinalaman ang nasakoteng pinaghihinalaang Abu Sayyaf bomber sa nangyaring pambobomba sa isang bus sa Makati City   na ikinasawi ng 5 katao habang 14 pa ang nasugatan noong Enero ng taong ito.

Sa ambush interview sa Camp Crame, tumanggi muna si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na kumpirmahin at itanggi kung may kinalaman ang suspect na si Ryan Sison sa pambobomba.

“Premature pa kasi to link him (Makati City bombing), under investigation pa,” ani Robredo habang patuloy ang interogasyon ng mga awtoridad kay Sison.

Noong Enero 25 ay su­mabog ang bomba na itinanim sa Newman Goldliner bus sa kahabaan ng EDSA-Buendia sa Makati City.

Si Sison ay nasakote sa Lucena City , Quezon ng pinagsanib na elemento ng militar at ng pulisya noong nakalipas na Hunyo 2.

Sa kasalukuyan, ayon pa kay Robredo ay hawak pa lamang nila ang mga impormasyon hinggil kay Sison tulad ng mga detalyeng pagiging miyembro nito ng New People’s Army (NPA) na nakabase sa Compostella Valley na may 2 kasong kinakaharap, isa rito ay may kinalaman sa pambo­bomba.

Ang suspect ay nauna nang inilutang ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philip­pines (ISAFP) na aktibong miyembro ng Abu Sayyaf na sangkot sa pambobomba ng naturang teroristang grupo.   

Show comments