Talo sa suntukan, nanaksak na lamang

MANILA, Philippines - Matapos na talunin sa sun­tukan, patraydor na pinagsasaksak ng isang 40-anyos na lalaki ang kanyang nakababatang pinsan hanggang sa mapatay ito, kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Namatay habang gina­gamot sa Ospital ng Makati ang biktimang si Raffy Fiestada, 20, ng Casoy St., Brgy. Rizal sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nadakip naman ng mga tauhan ng Pateros police makaraang tumakbo sa Brgy. Aguho sa naturang bayan ang suspek na si Arturo Frias.

Ayon sa ulat, nagsusugal ang magpinsan ng color game sa isang lamayan sa Mabolo St., sa Makati dakong alas-7:30 ng gabi nang igiit ni Frias na siya muna ang hihila ng tali dahil malaki ang kanyang itinaya. Hindi umano pumayag ang pinsan na si Fiestada hanggang sa magtalo ang dalawa at humantong sa suntukan.

Nalamog naman sa suntukan ang mas matanda na nakainom pa ng alak na si Frias saka inasar pa ng pinsan na wala itong binatbat.

Agad namang umuwi ng kanyang bahay si Frias at kumuha ng patalim. Muling bumalik ito sa lamayan at walang sabi-sabing pinagsasaksak ang biktima habang nagsusugal saka mabilis na tumakas tungo sa direksyon ng Pateros.

Show comments