MANILA, Philippines - Hinikayat ng Metropolitan Manila Deve-lopment Authority (MMDA) ang mga produ-cers ng mga pelikula na sasali sa darating na Metro Manila Film Festival (MMFF) na tanggalin ang mga eksena na may karakter na naninigarilyo bilang pagsuporta sa kampanya ng pamahalaan.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na base umano sa mga pag-aaral, na kakahikayat sa mga manonood na manigarilyo matapos ang pelikula lalo na kung may mga eksena na naninigarilyo ang mga karakter.
Taunang isinasagawa ang MMFF tuwing Pasko kung saan walong pelikulang gawang Pinoy ang pinipili ng MMDA at ng Executive Committee nito. Nabatid na pinalawig ang palugit para sa pagpapasa ng mga “script” ng isusumiteng mga pelikula mula Mayo 30 hanggang Hunyo 9 na lamang.
Idinagdag pa ni Tolentino na napakalaki ng impluwensya sa mga bata ang panonood ng mga pelikula na may naninigarilyong eksena lalo na kung ang bida na kadalasan ay kanilang ginagawa sa kanilang paglaki.
Hindi umano dapat magbigay ng maling mensahe ang mga gumagawa ng pelikula sa mga bata at sa halip ay angkop at positibong mga pag-uugali at kung maaari ay iyong nagpapahalaga sa kalusugan.