Ex-QCPD chief, inililinya palit kay Diokno
MANILA, Philippines - Sa kabila ng iba’t ibang pangalang ini-endorso ng ilang grupo bilang kandidatong kapalit ni Bureau of Corrections (BuCor) director Ernesto Diokno, hindi pa rin nawalan ng pag-asa ang ilang grupo ng indibidwal sa Tarlac at Quezon City na mapipili pa rin si dating QCPD director Ret. Gen. Napoleon Castro.
Ayon sa ilang QCPD officers and men at retirees, malaki ang tiwala nila kay Castro na kaya nitong balikatin ang tungkulin at responsibilidad na iniwan ni Diokno sa BuCor higit kanino pa man.
Samantala, maging ang mga opisyal ng ilang samahan ng LGU at NGO sa Tarlac ay nagpahayag din ng kanilang pagsang-ayon at pagsuporta kay Castro na ayon sa kanila ay siyang responsable sa pag-neutralize ng New People’s Army (NPA) sa kanilang lugar noong 1979.
Si Castro, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1972, ay ang nakaupong hepe ng Criminal Investigation Unit (CIU)ng QCPD nang makakumpiska ang mga tauhan ni Gen. George Regis, noon ay hepe ng Batasan Police Station, ng 253 kilos ng shabu sa Commonwealth Avenue noong 1996.
Nakaupong district director si Castro nang magsimulang masungkit ng QCPD ang best district noong 2004 at mula noon ay naging sunod-sunod na ang pagkuha ng nasabing police district sa award na ipinagkakaloob ng Philippine National Police.
Uminit si Diokno matapos mahuling pumupuslit mula sa kulungan si dating Batangas Gov. Antonio Leviste na nahatulang mabilanggo dahil sa pagpaslang sa kanyang kaibigan.
- Latest
- Trending