NCRPO umalerto sa mga bulok na isda
MANILA, Philippines - Dahilan sa pagdagsa sa mga palengke sa Metro Manila ng mga bochang bangus, minobilisa na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga operatiba nito upang tumulong sa pagharang at pagkumpiska sa naturang mga bulok ng isda.
Ito’y bunsod ng massive fish kill sa Batangas na ang pitong bayan ay isinailalim sa state of calamity habang apektado na rin ang Pangasinan na pinanggagalingan ng mga bochang bangus.
Ayon kay NCRPO Spokesman Supt. Dionardo Carlos, ang hakbang ay isinagawa makaraang makatanggap sila ng impormasyon na ibinabagsak sa Metro Manila ang mga bangus na namatay sa fish kill.
Sinasabing hindi lamang mga bangus kundi maging isdang tilapia ay nagsimula na ring maapektuhan ng massive fish kill. Ayon kay Carlos, mahigpit nilang minomonitor ang mga isdang ibinabagsak sa mga palengke sa Metro Manila.
Sa Metro Manila, ang mga nagtitinda sa Navotas Fish Complex, ang pinakamalaking fish port sa bansa ay una ng nagsabing walang isda mula sa Batangas ang kanilang itinitinda dahilan ang hango nila ay mula sa Mindanao at Palawan.
Nabatid na , lubhang naka-apekto sa benta ng mga fish vendor ang nangyayaring massive fish kill.
- Latest
- Trending