5 NBP officials kakasuhan
MANILA, Philippines - Limang opisyal ng New Bilibid Prisons (NBP) ang sasampahan na ng kaso bunsod ng paglabas-masok o ang kontrobersyal na VIP treatment kay dating Batangas Governor Antonio Leviste sa naturang kulungan noong Mayo 18.
Ito’y matapos matanggap ang pag-aapruba ni Pangulong Benigno Aquino sa kanilang rekomendasyon.
Batay sa resulta ng Fact Finding Committee lima ang inirekomendang ipagharap ng reklamong administratibo habang isa namang kawani ng NBP ang inirekomendang ipagharap ng kasong kriminal.
Kabilang sa mga sasampahan ng kasong administratibo dahil sa umano’y misconduct, neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service ay sina Chief Supt. Armando Miranda, dating NBP Superintendent na umano’y responsable sa pagpapalipat kay Leviste sa Agro Section na may ‘sleep out privilege’; Chief Supt. Ramon Reyes, ang kasalukuyang NBP Superintendent, dahil sa nabigo itong kanselahin ang ‘sleep out privilege’ ni Leviste sa kabila ng mga nauna nang ulat na nakalalabas ito ng Bilibid; Chief Dante Cruz, dating hepe ng Minimum Security Compound, ang nag-apruba para ma-exempt si Leviste sa headcount; Chief Supt. Roberto Rabo, hepe ng Minimum Security Compound, dahil nabigo itong gumawa ng aksyon nang malaman niya na lumalabag si Leviste sa ilang mga patakaran sa Bilibid Compound at Prison Guard Fortunato Justo, ang custodial guard ni Leviste.
Bukod sa kasong administratibo, pinasasampahan din ng panel ng reklamong kriminal si Justo partikular na ng kasong infidelity in the custody of prisoner.
Inirekomenda rin ng panel na mapatawan ang mga nabanggit na opisyal ng preventive suspension.
Sa kaso naman ng nagbitiw na si Bureau of Corrections (BuCor) Director Ernesto Diokno, ipinauubaya na ng panel sa Pangulo kung siya ba ay dapat na masampahan ng reklamo dahil sa posibleng neglect of duty o pagpapabaya sa tungkulin.
- Latest
- Trending