Motorcycle rider dedo sa Edsa

MANILA, Philippines - Dahil sa bilis ng pagpapatakbo, hindi naisalba ng suot na helmet ang buhay ng isang lalaki makaraang sumalpok sa konkretong poste ng Metro Rail Transit sa may EDSA-Guadalupe, Makati City kahapon ng madaling-araw.

 Agad umanong nasawi dahil sa pinsala sa katawan at ulo ang biktimang si Lloyd dela Cruz, bodegero ng isang delivery service company at naninirahan sa no. 2582 San Andres Bukid, Maynila.

 Sa ulat ng Makati Traffic Enforcement Unit, dakong alas-12:20 ng madaling araw ng maganap ang insidente sa may southbound lane ng EDSA-Guadalupe.  Lulan ang biktima ng kanyang motorsiklong may plakang 2271-TG nang bigla umanong mawalan ng kontrol at diretsong sumalpok sa poste ng MRT.

Nadaanan naman ni P/Insp. Efren Oco, ng Makati Police ang nakahandusay at duguang bangkay ni Dela Cruz sa halos gitna ng EDSA kaya’t ipinasiya niyang iharang ang kanyang sasakyan upang hindi na magulungan pa ng mga mabibilis na sasakyan ang bangkay ng biktima hanggang sa dumating ang mga tauhan ng Makati Rescue Team na nagdala sa nasawi sa Filipinas Funeral Homes.

Show comments