MANILA, Philippines - Naghain ng ‘not guilty’ plea ang limang pulis ng Manila Police District (MPD) na sangkot umano sa pagnanakaw ng ransom money ng isang Malaysian businessman na kanilang iniligtas matapos na kidnapin kamakailan.
Ang mga ito ay inilipat na sa Manila City Jail kasunod ng pagkakasangkot sa nawawalang bahagi ng P15 milyon ransom money sa isang Erin Sim Chin Tong, isang Malaysian businessman kamakailan sa Malabon.
Sa kanilang pagdalo sa preliminary investigation, itinanggi nina Sr. Insp. Peter Nerviza, na noo’y hepe ng MPD-Stn. 5 Anti-Crime Unit; SPO3 Ernesto Peralta; PO3 Jefferson Britanico; PO3 Mike Ongpaoco at PO1 Rommel Santos Ocampo ang akusasyon sa kanila sa kasong qualified theft at anti-graft and corrupt practices.
Binigyan naman ni Manila Regional Trial Court Judge Armando Yanga ng branch 173 si Private Prosecutor Sophia Tirol Solidum-Taylor ng limang araw upang magbigay ng comment sa mosyon na petition for bail na inihain ng abogado ng mga akusado na si Atty. Alvaro Bernabe Lazaro.
Dumalo din sa pagdinig ang mismong biktima na si Erin Sim Chin Tong. Ayon kay Taylor, pursigido umano si Tong na isulong ang kaso laban sa mga pulis.
Itinakda naman sa Hulyo 27 ang pagdinig sa motion to bail kasabay ng inaasahang paglalabas ng mga testigo ni Taylor laban sa limang pulis.
Batay sa rekord ng korte, naganap ang insidente noong Marso 6, dakong alas-4 ng hapon sa loob ng kanyang junk shop sa Malabon. Dinakip si Tong sa pamamagitan ng pekeng warrant of arrest sa pangunguna ni Marlon Lopera.
Nagbigay ang sekretarya ni Tong ng halagang P16.3M sa mga kidnaper na pinangungunahan ni Lopera.
Subali’t ayon kay Lopera, P12.9 milyon ang nakuha ng mga pulis na taliwas sa deklarasyon ng limang pulis na P4.2 milyon.