8 sugatan sa vehicular accident
MANILA, Philippines - Walo katao ang nasugatan kung saan kritikal ang isang 31-anyos na ginang matapos na magbanggaan ang tatlong sasakyan sa kahabaan ng Costal road, Parañaque City kahapon ng madaling-araw.
Halos madurog ang ibabang bahagi ng katawan ng biktimang si Princess Magdasal, ng Block 17 Lot 30 Barcelona St., Town and Country Subdivision, Molino 3 Bacoor, makaraang maipit sa pagitan ng isang delivery truck at isang mini bus.
Bukod kay Magdasal, sugatan din ang mga pasahero ng mini bus (NWY-253) na sina Jinky Segunto, 21, ang kanyang anak na si Jerome, 11, Alexis Ranquino, 23, Raymond Sistar, 28, Mario Tidalgo, 46, Rachel Millanes, 22 at Joselito Santos, 39 na pawang isinugod sa Parañaque Community Hospital.
Nabatid sa ulat ng Parañaque Police-Traffic Management Section, dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang maganap ang aksidente sa nasabing lugar malapit sa kanto ng NAIA Road. Tinatahak ng delivery truck (XLK-973) na minamaneho ni Joseph Calman ang Roxas Blvd. patungong Pasay City nang mawalan umano ng preno kaya binangga ang sinusundan na mini bus na may rutang Cavite-Lawton at minamaneho naman ni Joselito Santos.
Sa lakas ng pagkakasalpok, bumangga naman ang mini bus sa nasa unahan nitong Fuzo bus (DXV-792) na minamaneho naman ni Leonicito Sarvida, 36-anyos.
Nabatid na tumatawid naman sa naturang highway si Magdasal ng naturang oras sanhi upang maipit ito sa dalawang nagbanggaang behikulo.
- Latest
- Trending