Holdaper itinumba ng kabaro

MANILA, Philippines - Pinaslang ng kanyang mga kabaro ang isang 28-anyos na lalaki na sinasabing holdaper makaraang saksakin habang naglalakad sa Pasay City, kamakalawa ng hapon.

 Hindi na umabot ng buhay sa Pasay City Gene­ral Hospital si Roel Olay, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang at naninirahan sa Blk 13 Lot 5 Saint Cecille St., Maricaban, Pasay City. 

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Bienvenido Renzales na sinasabing kilalang holdaper at siga sa kanilang lugar sa Bo. Sto. Niño.

Sa ulat ng Pasay PNP, naganap ang krimen dakong alas-2:15 ng hapon kung saan natiyempuhan ng suspek ang biktima sa may Twin Pioneer Street.

Lumilitaw na kinompronta ng suspek ang biktima kaugnay sa kanyang parte sa nakulimbat nila sa pinakahuling panghoholdap. 

Tumanggi naman ang biktima sa akusasyon at nangatwiran na wala sa kanya ang malaking halaga kaya kaagad na inundayan ng saksak ng suspek.

Lumilitaw sa imbestigasyon ni PO2 Giovanni Arcinue na kay Olay ipi­nag­katiwala ng kanilang grupo ang mga nakulimbat na pera, alahas, at mga cell­phone sa ilang beses nilang panghoholdap sa mga pasahero ng bus.

Sa halip na hatian ang mga kasamahan, itinakas ni Olay ang malaking halaga ng salapi na napagben­tahan ng mga nakulimbat at ginamit sa pagbabayad ng inupahang bagong tirahan, kasama ang kanyang ka-live-in.

Show comments