MANILA, Philippines - Tiniyak ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na hindi nila tatantanan ang mga driver na hindi sumusunod sa regulasyon gayundin ang mga gumagamit ng pangalan ng kanilang tanggapan para sa umano’y koleksiyon.
Ayon kay Maria Norissa Villanueva, hepe ng MTPB, patuloy at regular ang kanilang ginagawang monitoring at paghuli sa mga driver na lumabag sa dress code at walang drivers license gayundin sa gumagamit ng iba’t ibang sticker upang makaligtas sa huli.
Nabatid na sa report nina Democrito de Luna, Sector 1 at Agamer Abam, Sector 2 Commander, nakahuli ang mga ito ng walong driver ng pampasaherong jeep na walang drivers license at walang prangkisa. Agad na dinala sa impounding area ang mga nahuling jeep.
Lumilitaw na ang operasyon ay bunsod na rin sa impormasyong natanggap nina Erwin Bautista at Mark Whittmer, MTPB Traffic Sector 2 enforcers na ang mga pampasaherong jeep na may biyaheng MCU-Divisoria at Munoz-Vito Cruz ay ligtas umano sa mga huli bunsod na rin ng kanilang ‘lagay’ sa pulis at mga city hall officials sa pamamagitan ng sticker.
Ang mga nasabing stickers sa windshield ng mga PUJ ay “ligtas-huli”.
Subalit ayon kay Villanueva, wala silang inilalabas na anumang mga sticker upang magsilbing code sa koleksiyon kapalit ng paghuli.