Manila, Philippines - Libu-libong pasahero ang dismayado sa pagsasara ng anim na istasyon ng Light Rail Transit (LRT) 1 dahil sa abalang nalikha nito simula kahapon hanggang Lunes.
Bagamat may 15-shuttle bus naman ang ipinakalat ng pamunuan ng LRT upang maghatid at magsundo ng mga pasahero sa mga istasyong apektado, malaking abala pa rin ito sa mga commuter.
Nadagdagan pa ang iritasyon ng mga pasahero matapos na masira ang isa sa 15-shuttle bus kaya tumulong na rin ang mga bus ng Department of Transportation and Communications.
Kaagad namang humingi ng paumanhin si Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA sa mga apektadong pasahero na hindi nila maseserbisyuhan sa loob ng tatlong araw.
Simula kahapon ay pansamantalang sarado ang mga LRT station sa Roosevelt at Balintawak sa Quezon City; Monumento, 5th Avenue sa Caloocan City; at ang R. Papa Abad-Santos sa Maynila.
Inaasahang magtatagal ang temporary closure hanggang sa Lunes, bagamat sinabi ng LRTA na minamadali nila ang proyekto upang kaagad itong
matapos.
Aabot naman sa P4-milyon ang malulugi sa LRT sa loob ng tatlong araw na pansamantalang pagsasara habang isinasagawa ang pagkonekta ng permanente sa signalling system ng North Extension Project.
Ipinaliwanag ni Cabrera na ang signaling system ay ang siyang nagkukontrol ng speed ng tren at safe distance sa pagitan ng dalawang tren.