Manila, Philippines - Isang lalaking pasyente sa isang dental clinic ang wanted sa mga awtoridad matapos ireklamo ng panggagahasa ng dentistang may-ari ng klinika at paggapos sa mga kasamahang dentista na pawang tinangayan pa ng mahahalagang kagamitan, cellphone at pera na tinatayang nasa P200-libo sa Paco, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kahapon ay isinumite na sa Manila Police District-Women and Children Concern Division ng biktimang itinago sa pangalang “Mary”, 47, dentista, ang medico-legal certificate na nagsasaad na ginahasa ito ng hindi pa kilalang suspect na kaniyang pasyente, dakong alas-4:00 ng hapon.
Nabatid na nagpa-pasta ng ngipin ang nasabing suspect at matapos iyon ay umistambay sandali sa klinika at nang makitang nakaalis na ang iba pang pasyente ay nagkunwaring magpapabunot naman ng ngipin. Nang pauupuin na umano muli sa dental chair ay inilabas nito ang kaniyang baril, tear gas at patalim at nagdeklara ng holdap bago mabilis na ini-lock ang pintuan ng klinika, ibinaba ang accordion type na divider.
Mabilis ding iginapos nito ang dalawang associate dentists at ang 47-anyos na may-ari ng klinika at dentist ay iginapos sa dental chair at doon ginahasa.
Ayon sa biktima, kilala niya ang pasyente sa mukha dahil naging pasyente na niya ito dati pa.