MANILA, Philippines - Nagwala at hinostage ang sarili ng isang 38-anyos na Syrian national matapos akusahan ng panggagahasa sa Malate, Maynila, kahapon ng umaga.
Inaresto ang suspect na si Mahmoud Obid, ng S. Osmeña Highway cor. F. Torres St., Singalong, Malate, Manila.
Ayon sa pulisya, dakong alas-8:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa bahay ng nasawi.
Nabatid na inireklamo kay Bheng Pablo, chairwoman ng Barangay 747 Zone 81, ng isang 15-anyos na dalagitang tindera na ginahasa siya ng suspect sa loob ng bahay nito.
Una umanong niyaya ng suspect ang tindera na pumasok sa kanyang bahay upang bigyan ng separation pay at sa loob umano ay kasama ng suspect ang ilang kaibigan na nag-iinuman.
Niyaya pang uminom ang biktima at nang umalis pansamantala ang ilang kaibigan, naiwan ang dalagita at suspect at doon na siya ginahasa.
Sa pag-uwi ng bahay ay isinumbong ng biktima sa magulang ang pangyayari hanggang sa puntahan ito ng barangay official upang arestuhin subalit nakiusap ang suspect na hihintayin muna ang misis bago sumama sa mga pulis.
Nang balikan ang suspect kasama ang mga tauhan ng SWAT ay lumabas ang suspect na may hawak na kutsilyo at nakatutok sa kanyang lalamunan at sinabing mas gugustuhin nitong magpakamatay kaysa arestuhin at ikulong. Nang dumating ang misis ng suspect dakong alas-10:30 ng umaga ay saka lamang ito sumuko.