Robbery motibo sa pag-ambush sa pulis
MANILA, Philippines - Pagnanakaw ang tinitingnang motibo ng Quezon City Police District sa ginawang pag-ambush at pagpatay kay SPO3 Arnold Yu ng apat na armadong kalalakihan sa kahabaan ng Visayas Avenue, kamakalawa. Ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng theft and robbery investigation section ng QCPD, kung ang apat na suspects ay plano lamang na patayin si Yu, dapat sana ay binaril na ito sa loob ng kanyang kotse. “Ang nakakapagtaka rito, kung talagang nais nilang patayin si Yu, dapat sa loob na ng kotse at hindi na nila hinayaan na lumabas pa rito at magkaroon pa ng komosyon,” sabi ni Marcelo. Dagdag ni Marcelo, base sa pahayag ng mga testigo, isang bag na naglalaman ng personal na gamit ang tinangay sa biktima ng mga suspect. Sinabi pa ng opisyal, matapos na lapitan ng mga suspect ang biktima sa sasakyan ay narinig na ang palitan ng putok. Si Yu ay unang ipinahayag na dating miyembro ng District Anti-Illegal Drugs at naging miyembro ng District Police Intelligence Operations Unit bago natalaga sa QCPD-Station 8. Siya ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ng apat na armadong suspect sa harap ng isang hardware store sa may kahabaan ng Visayas Avenue corner Road 8, Brgy. Vasra ganap na alas-4:30 ng hapon.
- Latest
- Trending