Lalaki sumaklolo sa away ni kuya, patay
MANILA, Philippines - Dahil sa pagsaklolo sa away ng kanyang kuya isang 35-anyos na lalaki ang nasawi nang siya ang pagsasaksakin ng kaaway ng una, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Hindi na umabot ng buhay dahil sa tindi ng mga tama ng saksak na tinamo ng biktimang si Marlon Bulan, ng Soldiers II Alvarez, Brgy. Talon, habang nakaligtas naman sa kamatayan ang kuya nitong si Jonemar, 37.
Pinaghahanap naman ngayon ng pulisya ang nakatakas na suspek na nakilala lamang sa pangalang James Amen.Nabatid sa report na pauwi na ng kanilang bahay si Jonemar nang alukin ng tagay ng kanyang nag-iinumang mga kabarkada dakong alas-5 ng hapon sa may Jade Compound, Golden Acres Subd., sa naturang barangay. Tatanggi sana si Jonemar nang makita na kasama sa umpukan ang matagal na niyang kaaway na si Amen ngunit naging mapilit ang mga kasamahan.
Bigla umanong may sinabing masama si Amen ukol kay Jonemar na naging mitsa ng kanilang mainitang pagtatalo.
Nakita naman ito ni Marlon na agad na sumugod sa umpukan upang tulungan ang kanyang kuya.
Sa pag-aakala naman na pagtutulungan siya ng magkapatid, agad na nagbunot ng patalim si Amen at magkasunod na inundayan ng saksak ang magkapatid bago mabilis na tumakas.
Hindi na umabot ng buhay sa Las Piñas City Medical Center si Marlon habang naging mas masuwerte ang kuya nito na nagtamo lamang ng mababaw na saksak.
- Latest
- Trending