Pedopilyang Kano timbog ng BI
MANILA, Philippines - Sa bisa ng mission order na inisyu ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr. naaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American pedophile na wanted sa Estados Unidos.
Kinilala ang puganteng Kano na si Kenneth Ramon Price, 44, tubong Arizona, USA, na nagtago umano sa Pilipinas matapos takasan ang kasong pangmomolestiya sa menor-de-edad sa US court.
Dinakip si Price sa inuupahang bahay nito sa Antipolo Rizal.
Ayon kay BI Intelligence Chief Ma. Antonette Bucasas-Mangrobang, hiniling ng US embassy na madakip si Price dahil sa nilabag nito ang mga kondisyon na nasasaad sa kanilang parole, nang umalis ito ng teritoryo ng US. Natukoy nila na sa Pilipinas nagtago si Price simula noong Hulyo 2004.
Nabatid na may kasong nakasampa kay Price sa superior court ng Maricopa County, Arizona kaugnay sa mga kasong sexual conduct with a minor, molestation of a child at sexual abuse.
- Latest
- Trending