Bebot pumalag sa holdap, utas

MANILA, Philippines - Patay ang isang babae makaraang barilin ng kilabot na holdaper nang tumanggi ang una na ibigay ang kanyang handbag, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.

Naisugod pa sa Parañaque Doctor’s Hospital ang hindi pa nakikilalang biktima na tinatayang nasa pagitan ng 40-45 taong gulang, may taas na mahigit limang talampakan, nakasuot ng maong pants at itim na blouse subalit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas.

Sa imbestigasyon ng Paranaque police, naglalakad ang biktima sa Sun Valley Drive sa Brgy. Sun Valley dakong alas-11 ng gabi nang harangin ng dalawang suspek na magka-angkas sa isang motorsiklong walang plaka.

Tinutukan ng baril at puwersahang kinuha sa biktima ng mga suspect ang dalang handbag subalit nakipaghilahan umano ang biktima kaya ito pinagbabaril ng mga salarin bago tumakas tangay ang naturang handbag.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang krimen habang nanawagan sa mga kaanak nito na kilalanin ang biktima upang mailabas ng morge ng pagamutan. 

Show comments