MANILA, Philippines - Nagpamahagi si Manila Mayor Alfredo Lim ng educational assistance at “puhunan”, para sa mga pinakamahihirap na mamayan sa Lungsod ng Maynila.
Ayon kay Lim, pinagkalooban niya ng tig P1,000, ang mga mahihirap na estudyante sa anim na distrito ng Maynila para pambili ng mga “school supplies”, habang tig P1,500 naman ang ipinagkaloob na pang “puhunan” para sa kanyang “livelihood” program sa mga pinakamahihirap na residente sa Maynila. Ang pamamahagi ay ginawa sa City College of Manila (CCM).
Nabatid na taun-taon ay nagkakaloob ng educational assistance si Lim,sa mga estudyanteng mahihirap para makatulong sa pambili nila ng gamit sa eskuwela.
Samantala, ipinahayag naman ni City Administrator Jesus Mari Marzan na muling magsasagawa ng pamahalaang lungsod ng Diskuwento Caravan sa mga school supplies at iba pang mga kagamitan gayundin ang mga gamot at iba pang prime commodities.
Ayon kay Marzan malaking tulong ang Diskuwento Caravan na kanilang isinasagawa taun-taon dahil umaabot sa 20 hanggang 30 porsiyento ang natitipid ng mga magulang sa pagbili ng mga kailangan sa pagbabalik eskuwela ng kanilang mga anak na estudyante. Sa tulong ng DepEd, DTI at DOH ay magiging matagumpay ang kanilang proyekto na isasagawa sa Mayo 30 sa Forest Park sa Lawton.