MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang hindi pa kilalang lalaki nang paputukan ng mga pulis na nag-akalang manlalaban nang sitahin ang nakabukol na baril sa kanyang beywang, sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ni SPO2 Virgo Villareal, ng Manila Police District-Homicide Section ang nasawi na nasa edad 30- 35, may taas na 5’, nakasuot ng itim na t-shirt, short pants, tsinelas at may tattoo sa kanang braso ng “Manny”.
Batay sa ulat, sakay ng MPD marked vehicle ang grupo nina PO3 Erwin Gaddi, PO2 Ruellester Santos at PO2 Joel Morales, pawang nakatalaga sa MPD-station 11, nang namataan ang lalaki na nakatayo sa tabi ng AIC building, sa panulakan ng Q. Paredes at Escolta, Binondo dakong ala-1:48 ng madaling-araw.
Lalapitan at sisitahin ng mga pulis ang biktima subalit agad itong bumunot ng baril at tangkang papuputukan ang mga pulis na nagbunsod naman upang agad na barilin ng mga awtoridad.
Nagtamo ng bala sa noo, dibdib at kaliwang braso ang biktima na kagyat nitong ikinamatay.
Narekober ang hawak nitong paltik na kalibre .38 habang nakalagak ang mga labi nito sa St. Harold Funeral Homes.