MANILA, Philippines- Isang pulis na hinihinalang sangkot sa gunrunning activities ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police matapos mahulihan ng iba’t ibang baril at isang karnap na motorsiklo sa Sta Mesa sa nabanggit na lungsod.
Ang pulis na iniharap kay Manila Mayor Alfredo S. Lim ay kinilalang si PO1 Din Sibaro, 32, nakatalaga sa Police Security Protection Group, sa Camp Crame.
Binigyan din naman ng komendasyon ang mga arresting officer dahil sa hindi nasilaw sa alok na pera ng kanilang dinakip na kabaro.
Nabatid na para makalaya lamang, inalok pa umano ng suspect ang mga arresting officers na ibibigay na lamang ang mga baril at motorsiklo kapalit ng kanyang kalayaan.
Dahil dito, bukod sa mga kasong illegal possession of firearms at direct bribery, iniutos ni Lim na kasuhan pa ng administratibo ang suspect.
Nabatid na dakong alas-11 ng umaga kamakalawa nang maputol ang strap ng dalang backpack ni Sibaro habang minamaneho ang motorsiklo sa Ramon Magsaysay Blvd. sa Sta. Mesa. Nagawa pa itong tulungan ng nakakitang mga pulis na nagduda naman dahil sa mabigat na bag ng una.
Dahil sa bigat ng bag, ininspeksiyon nila ito at nadiskubre ang apat na kalibre .45 at isang kalibre .38 ang laman kaya hinanapan nila ng dokumento ukol sa baril ang suspect.
Sa beripikasyon, nabatid pa na ang motorsiklong dala ng suspect ay naiulat na kinarnap noong Mayo 12, 2011 sa lungsod Quezon at nakapangalan sa isang P/Insp. Aurelio Alabado ng Information Technology Managament ng Camp Crame. Patuloy pa ang proseso ng beripikasyon sa mga baril na nasamsam upang matukoy kung mga lisensiyado ito.