MANILA, Philippines- Isang seaman ang patay habang sugatan naman ang kasama nito nang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang lamp post sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang biktima ay kinilalang si Abdon Agura, 36, ng Freedom Park 2, Brgy. Batasan Hills sa lungsod.
Ayon sa ulat, si Agura ay nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang katawan nang sumalpok ang sinasakyan niyang Motor Star motorcycle (1182NT) sa isang kongkretong poste sa may bangketa sa kahabaan ng IBP Road sa Brgy. Batasan Hills.
Si Agura ay naitakbo pa sa East Avenue Medical Center (EAMC) pero idineklara din itong dead-on-arrival.
Ang kasamahan niyang si Mark Genesis Madriega, 27, ay nagtamo naman ng mga sugat sa katawan sa nasabing insidente. Si Madriega na isa umanong miyembro ng AFP ay dinala sa V. Luna General Hospital sa nasabi ring lungsod.
Sa pagsisiyasat ang mga biktima ay sakay ng naturang motorsiklo at tinatahak ang IBP Road galing sa direksyon ng Filinvest II at patungong San Mateo Road, ganap na ala-1:45 ng madaling-araw nang bigla na lamang magloko ang kanilang sasakyan at sumalpok sa lamp post na nakatayo sa nasabing lugar.
Ang malakas ng impact ang siyang dahilan para matinding mapinsala ang katawan ng biktimang si Agura at ikasugat naman ng kanyang kasama.