MANILA, Philippines- Muling nakapuntos ang pulisya laban sa mga kilabot na holdaper makaraang dalawa sa apat na mga holdaper ang mapatay matapos na makipagbarilan sa mga awtoridad habang dalawa pa ang naaresto, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nakilala ang nasawing mga suspek sa pangalang Ronaldo Salazar at isang alyas Robert, kapwa miyembro ng Sputnik Gang. Dalawa naman sa kanilang kasamahan ang nadakip na nakilalang sina Hernan Martines, 30, ng Parañaque City at Ronnie Ronio.
Sa ulat ng Pasay City Police-Station and Investigation Detective and Management Section, nagsasagawa ng lihim na patrulya lulan ng mga pribadong behikulo sa EDSA malapit sa FB Harrison St. ang kanilang mga tauhan matapos na makatanggap ng tip na may magaganap na panghoholdap dakong ala-1 ng madaling-araw. Dito naispatan ng mga pulis ang apat na lalaki na sumakay sa isang Mayamy bus (TXW-366) kung saan isa sa mga ito ang nakitaan na agad na naglabas ng baril.
Mabilis namang sinundan ng mga pulis ang naturang bus ngunit isa sa mga suspek ang nakatunog kaya mabilis na tumalon ng bus. Agad naman itong nadakip ng iba pang miyembro ng pulisya na sumusunod rin sa bus at nakilalang si Martines.
Naharang naman ang naturang bus pagsapit sa may Sgt. Mariano St. kung saan nakasampa sina PO1 James Anthony Gil at PO2 Dennis Bautista at nagawang mabaril ang isa sa mga holdaper. Nagawa namang makalabas ng bus ng dalawa pang natitirang holdaper kung saan isa sa mga ito ang napaslang ng mga pulis habang nagawang masakote si Ronio.
Sinabi ni SIDMS head, Chief Insp. Raymund Liguden, pinuno ng grupo ng pulis, naunang tinangkang holdapin ng mga salarin ang Harrison Wholesale Center sa may FB Harrison at nagawa pang tangayin ang mga shotgun ng kanilang mga security guard. Dito nakatanggap ng sumbong ang pulisya sanhi ng kanilang pagresponde na maaaring natunugan ng mga holdaper dahilan ng kanilang tangkang pagtakas.
Nakaditine ngayon sa Pasay detention cell ang suspek na sina Martines at Ronio at isinasailalim sa masusing interogasyon upang mabatid ang pagkakakilanlan ng iba pang mga kasamahan nito at uri ng kanilang operasyon. Nahaharap ang mga ito ngayon sa patung-patong na kasong kriminal.