Shotgun ng sekyu ng MRT aksidenteng pumutok: 4 sugatan
Manila, Philippines - Tatlong pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) at isang guwardiya dito ang sugatan, nang aksidenteng pumutok ang shotgun ng isang guwardiyang nagbabantay sa isang istasyon nito sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Nakilala ang mga biktima na sina Mary Anne Orozco, 36; Gaspar Malanday, 31; Ronel Bulanio, 24; at Lordiem Abelyar, security guard ng MRT.
Si Abelyar ang nasa malubhang kalagayan dahil sa tinamo nitong tama ng bala sa binti, habang ang ibang biktima ay nagtamo lamang ng mga minor injuries dahil sa mga sharpnel na tumama sa kanila.
Hawak naman ng pulisya ang suspect na si Cecilio Shane del Castillo Belleca, tubong Camarines Norte.
Nangyari ang insidente sa may tiket booth ng GMA Kamuning MRT Station, sa Edsa sa lungsod ganap na alas- 9:30 ng umaga. Kapapalit lamang umano ni Belleca sa kanyang karelyebo at nagbabantay dito nang aksidenteng makalabit nito ang gatilyo ng hawak niyang shotgun.
Dahil dagsa ang mga pasahero sa nasabing booth nagkagulo ang mga ito, hanggang sa malaman na lamang na tatlo sa mga pasahero nito ang sugatan.
- Latest
- Trending