2 bus nagkarera na naman sa Commonwealth: 10 sugatan
Manila, Philippines - Sa kabila nang matinding operasyon sa tinaguriang killer highway, hindi pa rin napaawat sa kawalang disiplina ang karamihan sa mga bus driver na dumadaan dito, makaraang 10 sugatan nang magsalpukan na naman ang dalawang bus kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa report, nangyari ang aksidente sa may North Fairview ng naturang kalsada ganap na alas-4:30 ng madaling-araw.
Sinasabing binabagtas ng naturang mga bus ang nasabing lugar galing Fairview patungong Litex at Philcoa nang salpukin ng Claro bus (NXV-738) na minamaneho ni Joselito Montajes, isa sa sugatan ang likurang bahagi ng Nova bus (TXJ-783) na minamaneho naman ng sugatan ding si Joel Cunanan.
Dahil matulin ang takbo ng Claro bus, ay nayupi ang unahang bahagi nito habang wasak naman ang huling bahagi ng Nova bus dahilan para magkasugat-sugat ang naturang mga biktima.
Ang iba pang sugatan ay mga pasahero ng magkabilang bus. Sinabi ng ilang mga saksi, kapwa matulin ang takbo ng dalawang bus na tila nagkakarerahan hanggang sa mapahinto ang Nova bus sa kalsada kung kaya hindi na nagawang makapag-preno pa ng Claro bus at bundulin ito.
Naipit nang husto si Montajes sa kanyang upuan dahil sa lakas ng impact ay halos lumusot ang katawan nito sa ilalim ng bus kung kaya natagalan bago siya nahugot ng mga rumespondeng miyembro ng MMDA at isinugod sa ospital.
- Latest
- Trending