P62-M computer at internet equipment nasamsam
MANILA, Philippines - Umaabot sa P62 milyong halaga ng mga computer at mamahaling internet equipment ang nasamsam ng mga operatiba ng PNP-CIDG matapos salakayin ang isang call center sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Samuel Pagdilao, dakong alas-11:30 ng gabi ng salakayin ang Authentisource Corporation sa ikalawang palapag ng Thomas Square sa T. Morato sa panulukan ng Roces Avenue ng lungsod.
Ang raid ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inisyu ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 21 Judge Amor Reyes laban sa naturang call center bunga ng paglabag sa batas sa E-Commerce.
Kabilang sa nasamsam ay tatlong super microservers, 8 itim na clone servers, anim na kulay abong HP Proilant Tower Servers na tinatayang aabot sa halagang $1.5 milyon o katumbas na P62-M.
Isinagawa ang operasyon base sa reklamo ni Mr. Steven Keith Bath, American national, may-ari ng Authentisource Corp. laban kina Jayghee Gayo, Filipino General Manager; Maricelle Roxas, Human Resource Manager at iba pang mga empleyado.
Base sa alegasyon ni Bath, na-hack umano ng kanyang mga empleyado ang computer security system, ninakaw ang mahahalagang data files at ibinenta ito sa kalabang kompanya na Metis Apax Corp..
Nabatid na wala sina Gayo at Roxas ng isagawa ang raid kung saan ay isinara naman ni Bath ang Authentisource Corp. matapos ang operasyon ng mga operatiba.
Sa imbestigasyon , ang Authentisource Corp. ay may 17 servers sa tanggapan nito sa bansa na may ugnayan sa File Transfer Protocol (FTP) server na inio-operate ni Bath sa base nito sa Estados Unidos.
Sinabi ni Bath sa mga imbestigador ng CIDG na tanging ang Pinoy Information Technology (IT) Manager niya sa Pilipinas na si Carlito Herreria Jr. ang nakakaalam ng system security access code. Ang nasabing code ang siyang ginagamit para makuha ang impormasyon sa pagitan ng FTP sa US at sa 17 server nito sa bansa.
- Latest
- Trending