MANILA, Philippines - Isang lalaking bagong laya sa piitan ang agad na nasawi makaraang taniman ng 10 bala ng baril sa kanyang katawan ng isang hindi pa nakikilalang salarin, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Nakilala ang biktima na si Ronald Bagat, 32, walang permanenteng tahanan at nakikituloy lamang sa operator ng ipinapasadang tricycle sa may Protacio St., Brgy. 112, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Pasay police, naganap ang krimen dakong alas-9 ng umaga habang namamasada ng tricycle si Bagat.
Nang makarating sa kanto ng M. delos Santos at Protacio St., isang hindi nakilalang lalaki ang humarang dito at sunud-sunod itong pinaputukan bago mabilis na tumakas.
May hinala ang mga imbestigador na maaaring paghihiganti ang motibo ng naturang krimen. Ito’y makaraang mabatid na kalalaya lamang sa pagkakakulong ng biktima sa New Bilibid Prisons (NBP) dahil sa kasong pangmomolestiya sa isang dalaga may ilang taon na ang nakalilipas.
Bukod dito, tinitingnan din ang anggulo ukol sa iligal na droga dahil sa sinasabing gumagamit umano nito ang nasawing biktima at palaging sangkot sa gulo sa kanilang lugar.